Beato Pedro Calungsod, Santo na!

ni Reb. P. Louie R. Coronel, OP

Ipinahayag na ng Simbahan ang pagtatanghal bilang santo kay BEATO PEDRO CALUNGSOD, isang martir noong ika-17 siglo. Gaganapin na sa ika-21 ng Oktubre 2012 sa Vatican ang kanyang canonization kasama ng lima pang iba. Siya ang pangalawang Pilipinong santo sa kasaysayan ng Simbahang Katoliko matapos itanghal si San Lorenzo Ruiz noong 1987. Si San Lorenzo ay isang escribano at dating sakristan na tubong Binondo, Maynila, na naging martir sa Japan noong 1637.

Si Beato Pedro Calungsod naman ay isang teenager na nagmula sa rehiyong Bisaya ng Pilipinas. Hinubog siya ng mga paring Heswita bilang isang katekista. Taong 1668 noong samahan niya si P. Diego LuĆ­s de San Vitores at iba pa sa misyon sa Ladrones (Guam). Bagamat mahirap baguhin ang makasalanang nakaugalian ng mga katutubong Chamorro, masigasig nilang ipinahayag ang Mabuting Balita sa lugar na ito.

Isang maimpluwensyang chino na nagngangalang Choco ang nainggit sa mga misyonero. Ipinagkalat niyang may lason ang tubig pambinyag ng mga misyonero. Dahil ang ilang masakiting sanggol na nabinyagan ay nagkataong namatay, marami ang naniwala sa maling paratang at tumalikod sa pananampalataya. 

Taong 1672 noong nagpunta sina Pedro sa Tomhom upang magbinyag at mangaral. Si Matapang na dating kristiyano ay tumutol na pabinyagan ang kanyang anak. Upang mahimasmasan si Matapang, tinipon muna nina P. Diego at Pedro ang mga tao at nagsimulang umawit tungkol sa pananampalatayang katoliko. Inanyayahan nila si Matapang, subalit pasigaw siyang tumugon na galit siya sa Diyos. Galit na galit na humanap ng kasapakat si Matapang at kinumbinsi si Hirao. 

Sinamantala naman nina P. Diego at Pedro ang pagkakataong mabinyagan ang sanggol sa kapahintulutan ng kristyanong ina ng sanggol. Nang malaman ito ni Matapang, lalo siyang nag-apoy sa galit. Una n’yang inihagis ang sibat kay Pedro ngunit mabilis itong nakailag. Maaari na sana siyang makatakas subalit hindi n’ya kayang maiwang mag-isa si P. Diego. Tinamaan ng sibat si Pedro sa dibdib at siya’y humandusay sa lupa. Dali-dali namang sinugod ni Hirao si Pedro at tinapos ang kanyang buhay sa pamamagitan ng espadang tumama sa kanyang ulo. Nabigyan pa siya ni P. Diego ng pagpapatawad o absolution bago mamatay at matapos noo’y, sinunod naman nilang paslangin ang pari. 

Kinuha ni Matapang ang krusipiho ni P. Diego at dinurog ito nang bato habang umuusal ng kalapastanganan sa Diyos. Pagkatapos, hinubaran nila sina P. Diego at Pedro, kinaladkad sa may dalampasigan, tinalian ng malalaking bato sa kanilang mga paa, dinala sa karagatan at hinulog sa kalaliman. Hindi na natagpuan pa ang mga labi ng mga martir.

Kinilala kamakailan ng Simbahan ang paggaling ng isang negosyanteng Cebuanong na-comatose bilang isang milagro sa pamamagitan ni Beato Pedro Calungsod. Sa homilya ni Papa Juan Pablo II noong kanyang beatification taong 2000, hinimok niya ang mga kabataan na tularan si Beato Pedro:

“Mula sa kanyang pagkabata, walang pag-iimbot na ipinahayag na ni Pedro Calungsod ang kanyang sarili para kay Kristo at bukas-palad na tumugon sa Kanyang tawag. Ang mga kabatan ngayon ay maaring humugot ng lakas at pag-asa sa mga halimbawa ni Pedro, na ang pag-ibig kay Hesus ang pumukaw sa kanya upang ialay ang kanyang kabataan sa pagtuturo ng pananampalataya bilang isang katekistang layko.”


0 Comments

God bless you!