Si San Jose at si Paul

Sa loob ng dalawampung araw sa ospital, nagsimula ng bumigay ang katawan ng mga nagbabantay sa may sakit at si Paul ay nagtungo sa sasakyan upang mahiga. Pagod at antok at pananakit ng katawan ang nadama. Habang naduduling ang mata at inaantok, minabuting basahin ni Paul ang Book of Prayers na dala niya, at maya- maya pa ay tumulo na ang laway dahil naidlip. Ilang sandali pa'y tila inanyayahan na siya ng mga anghel dahil may bating-ting. Siya ay dumilat at nakita niya, hindi mga anghel kundi ang ilang mga tao at isang pari na tila wrestler sa laki ang nagpo-prusisyon, hila-hila si San Jose. Dali-daling tumayo si Paul, inalis ang laway at sumama.

Patron pala ng Quezon City General Hospital si San Jose at sumama si Paul sa maliit na seremonyas. Matapos ang lahat, at nag-alisan na ang mga tao, sakristan, at paring malaki ang abs, at naiwan si Paul sa harap ng rebulto. Minatyagan niya ito at naisip na patron din siya ng mga ama ng tahanan, kaya umusal si Paul ng maikling panalangin para sa ikagagaling ng kanyang biyenan. Matapos nun ay nanumbalik muli ang sigla at lakas ni Paul, umakyat sa kwarto ng may sakit at muling nagbigay-buhay sa kwartong malungkot. Siya ay nagpatawa at maging ang pasyente ay naasar na dahil sa ingay na nilikha. Salamat San Jose, alam kong dininig mo ang dasal ni Paul. Salamat po.

0 Comments

God bless you!