Thursday, December 1, 2011

“Pasalubong” (Isang Mensahe para sa mga OFWs) by Timothy Fajarda

BUHAY-BUHAY: “Pasalubong” (Isang Mensahe para sa mga OFWs)
by Timothy Fajarda
Ako si Jun. Anak ng isang bagong bayani.

Malinaw pa rin sa aking ala-ala ang gabing ‘yun December 23, 2010. Lasap na lasap ko na ang malamig na simoy ng hangin dahil magpapasko na. Nagpaplano na nga ako kung ano ang mga ihahanda namin sa noche buena dahil mula ng pumunta ng Saudi si tatay, ako na palagi ang nakatoka sa pagluluto. Pero iba ang kutob ko nung araw na ‘yun. Buong araw kasing hindi sumagot sa tawag at text namin si tatay. Isang araw bago ‘yun, nagpacheck-up siya sa pinakamalapit na ospital dahil na rin sa iniinda nyang pananakit ng dibdib. Kahina-hinala ang resulta ng ECG kaya pinayuhan syang bumalik kinabukasan para sa gamot at follow-up na check-up. Pero hindi namin sya nakontak buong araw. Inisip na lang namin na baka nasa ospital sya at naiwan sa bahay ‘yung cell phone nya. Mali kami. Nung gabi ding ‘yun, nabalot ng lungkot at hinagpis ang buong bahay namin matapos matanggap ang isang ‘di inaasahang tawag mula Saudi. Patay na po si Ka Lito…inatake sa puso…..
Hindi ko na maalala kung ano naramdaman ko nung oras na ‘yun. Naghalo ang gulat, sakit, at pagsisisi sa puso ko. Hindi ko inasahang mawawala sya dalawang araw bago magpasko at apat na buwan bago ako magtapos sa kolehiyo. Bigla kong naalala ang mga araw na halos iwasan ko ang mga tawag nya kasi busy ako, ang mga oras na halos magsawa na akong magsabi ng hello daddy, kamusta ka na? tuwing tatawag sya, at ang mga panahong mas pinahalagahan ko pa ang mga pasalubong na ipinangako nyang dadalhin nya pag-uwi nya sa ‘Pinas. Masakit…sobrang sakit.

Halos dalawang buwan kaming naghintay para sa bangkay nya. Makailang ulit kaming nagfollow-up sa DFA at OWWA para mapabilis ang pagdating nya. February 2011, lumapag na rin sa wakas sa NAIA ang mga labi ng tatay ko. Hindi ko akalaing ang mga tagpong napapanood ko lang dati sa TV ay naranasan namin nung mga oras na ‘yun. Kapit-kamay kaming tumungo sa cargo section upang salubungin ang isang mahabang kahong naglalaman ng bangkay ng tatay ko. Habang papalapit ng papalapit ang sasakyang nagdadala ng wooden casket, bigla kong naalala ang mga pasalubong na ipinangako ng tatay ko. Heto na ba ‘yun? Ito ba ang itsura ng balikbayan box na sinasabi nya? Pero imbis na saya, luha ng pangungulila ang lumabas sa mga mata ko.

Mahirap mawalan ng magulang at lalong masakit mawalan ng magulang kung sya’y OFW. Habang tinatype ko ang mga letra sa komposisyon kong ito, sabay ding umaagos ang luha ng pangungulila ko sa aking ama kahit isang taon na syang wala sa mundo. Kahit ilang taon pa siguro ang lumipas, hindi pa rin mawawala ang sakit na dinulot ng pagkamatay ng tatay ko. Ganito pala ang mawalan ng magulang. Habambuhay kang mangungulila sa mga payo, gabay, at pagmamahal nila. Miss na miss ko na po ang daddy ko. Sagad sa buto.

Naalala ko na naman ang salitang pasalubong na kaakibat na ng pagiging OFW. Simula ng mawala ang tatay ko, nag-iba na rin ang tingin ko sa pasalubong…..

Ok lang na wala akong mga imported na tsokolate, imported na mga gadgets, imported na damit, imported na sapatos, imported na sabon, imported na canned goods, imported na tooth paste, imported na bag, imported na cell phone, o kahit anong imported man ‘yan. Ok lang din sa akin kahit mahirap lang kami at nakakakain lang ng tatlong beses sa isang araw. Ok lang kahit walang mga pasalubong o balikbayan box basta nandito ang tatay ko….basta sama-sama kaming buong pamilya…basta masaya kami. Pero huli na ang lahat. Wala na ang tatay ko. Wala na ang bayani ng buhay ko.

Isang taon na ang nakalipas pero may kirot pa rin sa puso ko tuwing magbabalik-tanaw ako sa mga naranasan ng aking pamilya.
Tuwing makakakita ako ng OFW, naaalala ko lang ang mga pangarap ng tatay ko. Mahirap palang maging OFW kaya ganun na lang ang pagmamahal ko para sa kanila.

Ikaw? OFW ka ba? Kung oo, sana hayaan nyo po akong mahalin kita. Dahil sa pamamagitan nito, para na ring niyakap ko ang aking ama. Alam ko ang pinagdadaanan nyo. Malaki man ang mga ngiti nyo sa mga pictures nyo sa Facebook, alam kong may lungkot din na nakatago ‘dun. Ayaw nyo kasing mag-alala ang mga mahal nyo sa buhay dito sa Pilipinas. Sana huwag nyong kalimutan na hindi lang pera at pasalubong ang kailangan ng pamilya nyong nangungulila sa pagmamahal at kalinga nyo. At sa mga anak at kamag-anak dito sa Pilipinas, sana maalala nyo rin na hindi pinupulot ng mga OFW ang pera sa abroad. Hindi po sila factory ng pera kundi mga taong masaya man sa panlabas, sumisigaw naman ang kanilang mga puso sa sobrang pangungulila sa mga halik at yakap nyo.

Sa mga OFWs saan mang panig ng mundo, mahal ko kayo at saludo po kami sa inyo. Mabuhay kayong mga bagong bayani ng Pilipinas! Kayo po ang mga tunay na bayani sa puso ko. Sana’y dumating ang araw na hindi nyo na kailangang umalis pa ng bansa at tiisin ang matinding pangungulila. Hindi hamak na mas mahalaga pa rin ang OFW kaysa sa balikbayan box.

Magpapasko na naman pala. Miss ko na naman si Tatay.Wala mang pasalubong o balikbayan box, alam kong kasama ko pa rin sya.

Ako nga pala ulit si Jun. Ulila na sa ama pero mananatili pa ring proud na anak ng isang OFW.
 

No comments:

Post a Comment