Sunday, January 30, 2011

Pananaw, Misyon at Alintuntunin ng AFCC (Roma, Italia)

PANANAW, MISYON AT ALITUNTUNIN NG AFCC (Roma, Italia)


AFCC

PANANAW AT MISYON

Ang The Apostles Filipino Catholic Community ay isang komunidad ng mga Pilipino sa Roma
na umaasa sa biyaya ng Diyos upang mapanatili at mapagyaman ang mga pagpapahalagang Katolikong Pilipino. Naghahangad ito na maitaguyod at mapalago ang pananampalatayang katoliko, mabigyan ng matibay na pundasyon ang pag-asa sa Diyos at mapalaganap ang pag-ibig sa Diyos, sa kapwa at sa komunidad, sa pamamagitan ng:

Pagiging makatarungan at matapat na pagtupad ng mga gawaing pang araw-araw at magalang na pakikitungo sa lahat ng tao (Justice);

Matalino at bukas palad na paggamit ng mga biyayang tinanggap mula sa Diyos at sa tao (Prudence);

Pagiging mahinahon sa pagharap at paglutas ng mga suliranin sa sarili, sa komunidad, sa tahanan at mga pinagtratrabahuhan (Temperance);

Masigasig na pagpapayabong sa pananampalataya sa loob ng komunidad at lakas ng loob sa pagpapahayag nito sa lipunang ginagalawan (Fortitude) ;

Higit sa lahat, ang mataimtim na pagdiriwang ng Banal na Eukaristiya bilang sentro at bukal ng buhay kristiyano-katoliko.


ANG MGA ALITUNTUNING GABAY

I. Opisyal na Pangalan at Pahatirang Sulat

Art. 1 §1 Ang komunidad ay may opisyal na pangalan na: The Apostles Filipino Catholic Community (AFCC).
§2 Ito ay may pahatirang sulat sa: Parrocchia di San Damaso, Largo San Vincenso de Paoli, Monteverde, 00152 Roma, Italia.


II. Mga Kasapi ng Komunidad

Art. 2 §1 Ang komunidad ay binubuo ng mga Pilipinong kasapi na nakikiisa sa kanyang pananaw at misyon.
§2 Ang mga nasa opisyal na talaan ng mga miyembro ng bawat grupo o organisasyon ay kabilang sa mga kasapi ng komunidad.
§3 Ang mga taong dumadalo lamang sa pagdiriwang ng Banal na Misa tuwing Linggo ay maaaring magpatala upang mapabilang sa mga kasapi ng komunidad.
§4 Ang pagpapatala ay gagawin tuwing Enero at Pebrero sa taon ng botohan.


III. Ang Balangkas ng Pamunuan

1. Ang Spiritual Adviser (SA)

Art. 3 Ang Spiritual Adviser ay isang pari na padala ng Chaplain ng Sentro Pilipino. Pangunahin niyang tungkulin ang itaguyod ang pagkakaisa at pananampalataya ng komunidad.

Art. 4 Tungkulin ng Spiritual Adviser ang dumalo sa mga pagpupulong at gabayan ang mga kasapi.

Art. 5 §1 Ang Spiritual Adviser ay may kalayaang magmungkahi ng kanyang kahalili. Dapat niya itong opisyal na ipabatid sa Sentro Pilipino tatlong buwan bago siya umalis.
§2 Ang iminungkahing kahalili ay kinakailangang personal na maipakilala sa Chaplain ng Sentro Pilipino at sa komunidad bago umalis ang Spiritual Adviser.

2. Ang Coordinator

Art. 6 Ang Coordinator ang siyang kinatawan ng komunidad. Siya ang may pananagutan sa pakikipag-ugnayan sa Sentro Pilipino, Collegio Filippino at sa mga Embahada ng Pilipinas sa Italya at Vaticano, pati na rin sa parokya, patungkol sa komunidad.

Art. 7 Tungkulin niya ang subaybayan at gabayan ang maayos na pagpapatupad ng mga proyekto ng komunidad. Dapat rin niyang pangunahan ang pagpapatupad ng mga layunin at alituntunin ng komunidad.

Art. 8 Siya rin ang mamumuno sa buwanang pagpupulong ng mga tagapaglingkod ng komunidad. Kung kinakailangan, karapatan din niya ang magpatawag ng mga panandaliang (urgent) pagpupulong para sa mga bagay na nangangailangan ng madaliang desisyon o pansin.

3. Ang Assistant Coordinator

Art. 9 Ang Assistant Coordinator ay may mahalagang katayuan bilang kaagapay ng Coordinator sa kanyang mga gawain. Siya ang kahalili ng Coordinator kung hindi nito magagampanan ang kanyang mga tungkulin, o maging kinatawan man ng komunidad sa iba pang pagtitipon.

Art. 10 Dapat niyang ipabatid sa Coordinator ang mga opisyal na bagay na kanyang ginampanan sa loob ng panahon na wala ito.

4. Ang Kalihim (Secretary)

Art. 11 Ang Kalihim ang laging dapat kasama ng Coordinator sa bawat pagpupulong sa komunidad. Gawain niya ang maitala ang mga usapin sa bawat opisyal na pulong ng pamunuan at ang iba pang mahahalagang kaganapan sa komunidad.

Art. 12 Tungkulin ng Kalihim na ingatan ang kopya ng mga dokumento ng komunidad:
a. mga opisyal na sulat mula at para sa komunidad
b. mga kopya ng inbentaryo bawat taon
c. mga talaan ng buwanang pagpupulong at iba pang pagpupulong

Art. 13 Tungkulin niya na maipasa sa susunod na manunungkulan ang lahat ng mga opisyal na dokumentong ito.

5. Ang Ingat-Yaman (Treasurer)

Art. 14 Pangunahing tungkulin ng Ingat-Yaman ang pangalagaan ang pananalapi ng komunidad. Tungkulin niya ang maitala ang pagtanggap at paglabas ng pera ayon sa pangangailangan ng komunidad.

Art. 15 Mainam na ang lahat ng pagtanggap at paglabas sa pananalapi ay mayroon patunay na resibo o sulat ng pagtanggap upang maging malinaw at madali rin para sa Taga-suri.

Art. 16 Siya ay inaasahang magbigay ng kopya ng buwanang ulat sa pananalapi ng komunidad tuwing buwanang pagpupulong ng Pamunuan.

Art. 17 Ang pananalapi ng komunidad ay dapat nakalagak sa isang bangko sa ilalim ng mga pangalan ng kasalukuyang Coordinator at Ingat-Yaman.

6. Ang Taga-Suri (Auditor)

Art. 18 Ang Taga-suri ang siyang kumakatawan para sa komunidad bilang patunay patungkol sa pananalapi.

Art. 19 Tungkulin niya na suriin ang ulat ng Ingat-Yaman ng komunidad tuwing ika-anim na buwan, pati na rin ang pananalapi ng bawat komisyon o lupon tuwing matapos ang isang proyekto, o kung kinakailangan.

Art. 20 Dapat ring mabigyan ng kopya o maisulit sa Kalihim ng komunidad ang mga ginawang pagsusuri.


IV. Ang Mga Komisyon At Ang Kanilang Mga Gampanin

1. Komisyon ng Liturhiya

Art.21 Ang Komisyon ng Liturhiya ay binubuo ng: Puno, Kalihim at Puno ng mga sumusunod na mga Ministry: Music, Altar Servers, Lectors at Commentators at ng mga kinatawan ng EuroBoys at ng Lupon ng Kabataan.

Art. 22 Ang Komisyon ng Liturhiya ang siyang dapat mangunguna at mangangalaga sa lahat ng liturhikong gawain ng komunidad. Kasama sa mga ito ay ang pamunuan ang mga regular na debosyon tulad ng Santo Rosaryo, at iba pa. Dagdag dito ang pakikipag-ugnayan nila sa mga tao na nais magpapabendisyon ng bahay at iba pa.

Art. 23 Para sa Banal na Misa, tungkulin nito ang makipag-ugnayan sa parokya at sa mga pari, at gabayan ang mga lectors, commentators, altar servers at choir.

Art.24 Tungkulin nito na panatilihin ang kaayusan at kalinisan ng simbahan.

2. Komisyon ng Education at Christian Formation

Art.25 Ang Komisyon ng Education at Christian Formation ay binubuo ng: Puno, Kalihim at Puno ng mga Ministry ng Katesismo at Adult Education at ng Kalinangan at Sining.

Art.26 §1 Ang Komisyon ng Education at Christian Formation ang siyang dapat bubuo at mangangasiwa sa mga programa na nauukol sa pagpapaunlad ng kaalaman sa buhay pananampalataya, buhay sakramento at buhay komunidad ng mga kasapi.
§2 Sa buhay pananampalataya ito ang magdaraos at mangangasiwa sa pagkakaroon ng mga banal na pagsasanay (recollection/ retreat) sa komunidad, lalo na sa natatanging panahon at araw (adbyento, kuwaresma, at paskwa). Ang pagkakaroon ng pagbabahaginan sa Salita ng Diyos ay una rin sa mga tungkulin nito.
§3 Sa buhay sakramento, ito ang nangangasiwa sa pagbibigay ng katesismo patungkol sa mga sakramento.
§4 Sa buhay komunidad, pangangasiwaan nito ang pagkakaroon ng leadership training o seminars para sa mga pamilya at kabataan.

2.1. Ministry ng Kalinangan at Sining

Art. 27 §1 Ang Ministry ng Kalinangan at Sining ang siyang mangunguna sa paghahanda at pagpaplano sa lahat ng mga programa at pagdiriwang ng komunidad, tulad ng mga sumusunod: anibersaryo ng komunidad; Collegio Filipino Day; anibersaryo ng Sentro Pilipino; Philippine Independence Day at iba pang mga programa ng komunidad.
§2 Tungkulin nito ang makipag-ugnayan sa lahat ng mga magtatanghal, kikilos at gaganap sa bawat pagdiriwang.
§3 Ito rin ang mamamahala sa pagpaplano at pagsasagawa ng mga pagbisita ng komunidad sa mga tampok na lugar, tulad ng isang ‘pilgrimage,’ o isang ‘outing’.

3. Komisyon ng Social Service

Art. 28 Komisyon ng Social Service ay binabalangkas na katulad ng Kooperatiba.

Art. 29 Ang Komisyon ng Social Service ang dapat maging daan sa pagtulong at pagtugon sa mga pangangailangan ng mga kasapi ng komunidad sa usaping materyal at pinansyal.

Art.30 Napapaloob sa komisyong ito ang kooperatiba ng komunidad, na maituturing na isang credit cooperative na may layuning makatulong sa mga sumusunod:
a. sa bawat kasapi ng komunidad sa pangangailangang pinansyal.
b. sa mga kagyat na pangangailangan ng komunidad.
c. ikinalulugod ng komunidad ang pagtugon sa mga tinatawag na “charitable works”, sa pamamagitan ng labas na pakikipag- ugnay (Linkages/Channeling/Collaboration).

Art. 31 Ilan sa mga konkretong gawain ng komisyon ay ang pangunahan ang ikalawang kolekta sa Misa para sa abuloy sa namatayan, o paghingi ng mga bolontaryong donasyon para sa mga nasalanta ng kalamidad at iba pang mga nangangailangan ng tulong.

Art. 32 Ito rin ay dapat makipag-uganayan sa mga kasaping naghahanap ng trabaho at sa mga Italyanong nangangailangan ng magtatrabaho.

4. Komisyon ng Temporalities

Art. 33 Ang Komisyon ng Temporalities ay siyang katuwang sa pangangalaga, pagpapanukala, pangangasiwa at siyang mangunguna sa pagkilos sa programang pangkomunidad.

Art. 34 Ang balangkas ng komisyon ay: Puno, Kalihim at mga lider ng Ushers atUsherettes at ng Food Committee.

Art. 35 Pangunahing tungkulin ng komisyon na pangalagaan at pangasiwaan ang mga kagamitan at ari-arian ng komunidad at gayun din ang pagpapanatili ng kaayusan sa Oratorio.

Art. 36 Tagapagsubaybay sa pamimili ng mga gamit para sa komunidad at tagasulit sa mga kalagayan ng mga ito.

Art. 37 Ito ang magpapasimuno at magpapatupad ng mga plano at proyekto ng komunidad.
Art. 38 Pangungunahan ang pangangalap at paglilikom ng pondo para sa pangangailangang pinansiyal para sa mga plano at proyekto ng komunidad.

5. Komisyon ng Family and Life

Art. 39 Ang komisyon ay binubuo ng Puno, Kalihim at mga piling mag-asawa na inatasang tagapagtaguyod ng pamilya at buhay sa komunidad.

Art. 40 Tungkulin ng komisyon na pangunahan ang pagbubuo, pagpaplano at pagsasagawa ng programa tungkol sa pangangalaga at pagpapaunlad ng pamilya at buhay sa komunidad.

Art. 41 Pangasiwaan ang mga programa tungkol sa pagpapalago at pagpapanibago ng mga pamilya ayon sa diwa ng pamilyang kristiyano.

Art. 42 Magbigay gabay sa mga magulang sa kanilang angkop na responsibilidad sa pamilya sa gitna ng krisis at pag-aalinlangan.

Art. 43 Ihanda ang mga kasapi ng komunidad na nagbabalak tumanggap ng Sakramento ng Kasal.

6. Ang Lupon ng Kabataan

Art. 44 Ang Lupon ay magkakaroon ng sariling balangkas ng pamunuan batay sa pamunuan ng komunidad ayon sa diwa ng pagsisilbi at pag-uugnayan.

Art 45 Pangunahing tungkulin nito ang pagpaplano, pagbubuo at pagpapatupad ng mga programang pang-kabataan sa komunidad.

Art.46 Pangunahing naisin nito ang gumabay sa mga kabataan sa paglago sa kanilang kalinangan at kaalaman sa Pananampalatayang Katoliko Kristiyano.

Art. 47 Layunin din nito na mabuo at mahikayat ang mga kabataan sa pakikilahok sa mga gawaing pangloob at panlabas ng komunidad:
a. pagdalo sa mga seminars, spiritual formation at recollection;
b. makiisa at tumulong sa mga gawain ng Lupon ng Sports and Recreation.

Art. 48 Ito ay dapat maging daan din upang maiparating ang mga opinyon, panukala at mungkahi ng mga kabataan sa pamunuan ng komunidad.

7. Ang EuroBoys

Art. 49 Ang EuroBoys ay ang natatanging kinatawan ng mga kalalakihan sa komunidad. Ito ay may sariling balangkas ng pamunuan na nakikiisa at nakikipag-ugnayan sa pamunuan ng komunidad ayon sa diwa ng pagsisilbi at pagkakaisa.

Art. 50 Layunin nito na maging daan ng maigting na pakikiisa at partisipasyon sa mga layunin at gawain ng komunidad para sa mga kalalakihan.

Art. 51 Ito ang katuwang ng komunidad sa mga pagdiriwang at gawain upang maging mga marshalls at magbigay tulong patungkol sa ‘physical arrangements’.

7.1. Lupon ng Sports & Recreation

Art. 52 Ang lupong ito ang siyang mangunguna at susubaybay sa mga programa ng komunidad patungkol sa larangan ng palakasan.

V. Ang Pagpupulong Ng Pamunuan

Art. 53 Ang Buwanang Pulong ay tuwing ikatlong linggo ng buwan maliban lamang kung ito ay hindi naaayon sa mga pagkakataon. Dito pag-uusapan ang mga bagay patungkol sa mga gawain sa darating na buwan.

Art. 54 Ang Urgent na Pulong ay patungkol sa mga mahahalagang bagay na nangangailangan ng maagap na kasagutan at hindi na makakapaghintay ng regular na pagtitipon. Ang mga napagpasyahan ay dapat lamang na ipaalam ng coordinator at ng kalihim sa lahat ng kasapi ng pamunuan sa pamamagitan ng isang nakasulat na tala ng pagpupulong.

Art. 55 Kung kinakailangan, ang coordinator ay may karapatang tumawag ng pulong kahit anong araw ng buwan.

Art. 56 Sa anumang pagpupulong, ang agenda o paksa ng pagpupulong ay inihahanda ng coordinator, at ito ay ipamimigay ng kalihim bago magpulong upang mapag-aralan.

Art. 57 Ang sinumang may nais na mapag-usapang paksa na wala sa agenda ay pinahihintulutan ng namumuno sa bahaging ‘dagdag paksa’ o other matters bago pa magsimula ang pulong.

Art. 58 Ang pagdalo at pagsisimula sa tamang oras ay napakahalaga. Ang mga lumiban o nahuli ay dapat na magpaliwang sa coordinator o sa kalihim bago dumating ang susunod na pulong. Ang pagliban o pagkahuli sa tatlong sunod-sunod na pulong nang walang mabigat na dahilan ay nangangailangan ng pagpapaalala ng pamunuan. Malaya ang spiritual adviser at ang pamunuan na maglapat ng nararapat na disiplina.

Art. 59 Ang presensya ng Spiritual Adviser (o isa sa kanyang mga kasama), ay hinihikayat at mainam. Sa mga pagkakataong hindi siya makakadalo, itutuloy pa rin ang pagpupulong.

Art. 60 Ang Daloy at Kaayusan sa Pulong ay dapat panatilihin ng pamunuan. Lahat ng kasama sa pulong ay dapat na makinig ng mabuti, makilahok sa mga usapin at pagpapasya. Tungkulin ng pamunuan na patahimikin ang maiingay o magugulo.

Art. 61 Ang daloy ng karaniwang pulong ay:
1. Pagpapatala ng mga Dumalo / Attendance – ito ay maaaring gawin habang naghihintay ng oras ng simula ng pulong
2. Panimulang Panalangin – pamumunuan ng pari o isa sa mga kasapi ng Pamunuan; laman nito ang paghingi ng gabay at liwanag mula sa Espirito Santo para sa pulong
3. Pagbasa ng Tala ng Pulong – ito ay patungkol sa nakaraang pagpupulong; kasama dito ang pagtutuwid sa mga detalye ng tala; ilalapat ng Coordinator at Kalihim ang kanilang lagda.
4. Paksang Mula sa Tala ng Nakaraang Pulong - ito ay patungkol sa mga paksang nangangailangan ng pagbabalik-tanaw at ng pagbibigay pansin sa pagpapatupad ng napagkaisahang hakbang.
5. Ulat mula sa Ingat-Yaman
6. Ulat mula sa bawat Komisyon – kasama dito ang pagsusuri o evaluation sa mga katatapos na gawain
7. Pagtalakay ng Agenda o mga paksa ng pulong – manatili sa mga dapat lamang na usapin upang hindi lumagpas sa takdang oras ng pagpupulong na isa’t kalahating oras lamang
8. Pagtalakay sa Other Matters o mga dagdag paksa
9. Huling Panalangin – pasasalamat at paghingi ng patuloy na lakas para sa mga balakin

Art. 62 Ang sinumang nais magsalita, magtanong, maghain ng mungkahi, sumalungat, atbp. ay dapat munang humingi ng pahintulot sa namumuno ng pulong sa pamamagitan ng pagtataas ng kanyang kamay. Ang hindi binigyan ng pahintulot ay hindi dapat sumabad o sumingit.

Art. 63 Ang bawat mungkahi ay dapat pangalawahan bago ito pormal na pagbotohan ng pamunuan kung mayroong sumasalungat. Uulitin ng namumuno ang mga mungkahi upang maging malinaw sa lahat.

Art. 64 Sa mga desisyon ng pamunuan patungkol sa mga mungkahi, ang pagsang-ayon at hindi ay gagawin sa pamamagitan ng pagtataas ng kamay. Ngunit kung maselan ang usaping ito ay dadaanin sa secret balloting. Bibilangin ang magkabilang panig. Itatala ng Kalihim ang bilang at ihahayag ng namumuno ang desisyon. Ang lahat ng opisyal (Puno at mga Halip) ay may karapatang bumoto.

Art. 65 Ang Quorum - na siyang tumutukoy sa kinakailangang bilang upang maging opisyal ang isang pulong at mga desisyon nito - sa lahat ng pagpupulong ay simple majority (one half plus one); maliban sa urgent na pulong.

Art. 66 Sa mga Pulong na Pangkalahatan o Pulong ng Pamunuan, kinakailangang higit sa kalahati sa mga may karapatang bumoto ang naroon upang magkabisa ang bawat desisyon matapos na mapag-usapan.

Art. 67 Sa mga urgent meetings, sapat na ang higit sa kalahati ng mga dumalo upang magkabisa ang napagkasunduan.

Art. 68 Sa anumang botohan, kung mayroong patas na resulta ay uulitin ang botohan. Kung kinakailangan, maaari pang magbigay ng isa pang maikling paliwanag ukol sa paksa ng namumuno. Ito ay dapat gawin bago ulitin ang botohan.


VI. Ang Panunungkulan

Art. 69 Ang panahon ng panunungkulan ng bawat opisyal ng komunidad ay dalawang (2) taon lamang. Sa pagtatapos ng kanilang termino, ang lahat ng opisyal ng pamunuan ay maaaring mahalal muli.

Art. 70 §1 Ang coordinator ay maaaring manungkulan ng dalawang magkasunod na panahon ng panunungkulan. Siya ay puwede muling mahalal pagkatapos ng isang panahon ng panunungkulan.
§2 Sa pagtatapos ng kanyang panunungkulan, ang coordinator ay inaasahang magsisilbing tagapayo ng pamunuan. Ngunit puwede rin siyang mahalal sa ibang posisyon ng paglilingkod sa komunidad pagkatapos ng isang panahon ng panunungkulan.
§3 Ang mga opisyal maliban sa coordinator ay hindi na puwedeng mahalal sa kanilang dating posisyon pagkatapos ng dalawang magkasunod na panahon ng panunungkulan. Sila ay puwede muling mahalal sa kanilang mga dating posisyon pagkatapos ng isang panahon ng panunungkulan.

Art. 71 Ang isang coordinator na pinagbitiw ay hindi na muling maaaring mahalal. Ngunit kung siya ang kusang nagbitiw, siya ay puwede muling mahalal ayon sa pag-aaral at pagpapasya ng pamunuan.

Art. 72 §1 Ang isang opisyal ng pamunuan na nagbitiw at nais muling mahalal ay daraan sa pag-aaral at pagsang-ayon ng pamunuan.
§2 Ang isang opisyal ng pamunuan na pinagbitiw ay hindi na puwedeng muling mahalal.


VII. Ang Paghalal Sa Pamunuan

Art. 73 Ang pagboto ng Pamunuan ng Komunidad at ang kanilang mga Halip ay tungkulin at karapatan lamang ng mga aktibo at nakatalang miyembro ng komunidad. Tungkulin ng bawat kasapi ang pumili ng pamunuan na tapat sa kanilang gampanin, maka-Diyos, maka-tao at maka-bayan sa pakikipag-ugnayan sa lahat.

Art. 74 Ang Paraan ng Paghalal sa Pamunuan ay ang mga sumusunod :
§1 Ang nominasyon at halalan ay gaganapin sa buwan ng Nobyembre.
§2 Ang pagmumungkahi o nominasyon kung sino ang pagbobotohan ay magmumula sa Pamunuan at kanilang mga Halip. Ito ay isasagawa sa ikatlong linggo ng Nobyembre.
§3 Ang paghahayag ng nominasyon ay gaganapin bago magsimula ang Banal na Misa sa araw ng botohan. Ang nominasyon sa bawat posisyon ay dalawa lamang. Kung sino ang makakakuha ng mas mataas na bilang ng boto, siya ang hihirangin sa nasabing puwesto. Ang mas mababa naman ang siyang magsisilbing halip.
§4 Ang mga imumungkahi para sa puwesto ng Coordinator ay dapat manggagaling sa mga kasalukuyang miyembro ng pamunuan o mga dating opisyal na. Sa ibang posisyon naman ay mga kasalukyan o mga naging opsiyal na ng komunidad o kahit sinong aktibong miyembro na handa at taos-pusong maglilingkod sa kapakanan ng komunidad.
§5 Ang halalan ay gaganapin sa ika-apat na linggo ng Nobyembre. Sa araw ng botohan, ang mga naatasang tumulong ay ipapamigay ang balota sa mga aktibo at nakatalang miyembro ng komunidad pagpasok sa simbahan bago pa magsimula ang Banal na Misa. Sa yugto ng paghahandog ng mga alay, ang lahat na nakatanggap ng balota at isinagawa ang pagboto ay paparoon sa dambana upang ihulog sa kahon na nakalaan para dito.
§6 Ang mga boto ay bibilangin sa oratorio pagkatapos ng Banal na Misa. Ito ay pangungunahan ng COMELEC na binubuo ng Spiritual Adviser at kanyang mga kasama.
§7 Sa pagkakataong may patas ang bilang ng boto, ang naging aktibo ng paglilingkod sa komunidad ng mas matagal ang siyang hihirangin sa nasabing pwesto.
§8 Sa mga pagkakataong may nagbitiw o pinagbitiw o nabakanteng posisyon sa pamunuan sa loob ng taon, ito’y pagpapasyahan ng pamunuan kung magkakaroon ng halalan o mag-aappoint sa nabakanteng posisyon; ngunit kung ito’y kalahating taon na lamang ang natitira ay hihintayin na lang ang susunod na botohan.

Art. 75 §1 Ang panunumpa ng mga bagong halal na opisyal ng pamunuan ay gaganapin sa Christmas Party ng komunidad.
§2 Sa mga pagkakataong may nagbitiw o pinagbitiw, o nabakanteng posisyon sa pamunuan sa loob ng taon at mayroong bagong naipalit, ang panunumpa ay gagawin sa pinakamalapit na linggo.

Art. 76 Inaasahan na ang mga papalitan at bagong halal ay makikipag-ugnayan sa isa’t-isa para sa isang maayos na pagpapasa o turn-over. Ang turn-over ay gaganapin sa huling linggo ng Disyembre.

Art. 77 Ang mga bagong halal na opisyal ng pamunuan ay pormal na pasisimulan ang kanilang pagsisilbi at panunungkulan sa komunidad sa unang linggo ng bagong taon pagkatapos ng halalan.


VIII. Ang Pagpuna Sa Pamunuan

Art. 78 Ang pagpuna at pagtutuwid sa pamunuan ay pangungunahan palagi ng isang babala o warning na naaayon sa pagkakamali. Ang pagpuna ay maaring manggagaling sa spiritual adviser.

Art. 79 Ang sinumang opisyal na napatunayang nagpabaya sa tungkulin, gumagawa ng immoralidad, krimen, nagdispalko ng salapi ng samahan o lumikha ng malubhang gulo sa komunidad ay maaaring tanggalin sa posisyon matapos ang makatarungan at maka-Diyos na pagsusuri ng pamunuan at spiritual adviser.

Art. 80 Ang pamunuan ay magtatalaga rin kaagad ng kanyang kapalit matapos ang maikling konsultasyon. Ang napiling kapalit ay manunumpa sa pinakamalapit na araw ng linggo upang magampanan ang kanyang posisyon.

Art. 81 Bilang Kristiyanong komunidad ang pagtatama at pagpapaalala sa mga nagkamali ang dapat unang umiral. Para sa mga kasapi, ang pamunuan ang dapat na maglapat ng kaukulang disiplina sa sinumang napatunayang lumabag sa mga patakaran, adhikain, pananaw, at layunin ng komunidad. Dapat ding pagsumikapan ng komunidad ang pagsubaybay sa mga nadisiplinang kasapi upang mapanatiling nasa matuwid na landas.


IX. Ang Pananalapi At Pag-aari Ng Komunidad

Art. 82 Ang pondo ng komunidad ay pangangalagaan ng ingat-yaman, sa gabay ng coordinator. Hinihikayat na ito ay ilagak sa isang bangko o seguridad, sa ilalim ng pangalan ng kasalukuyang coordinator at ingat-yaman. Ito ay regular na isusulit sa pulong ng pamunuan.

Art. 83 Ang kolekta sa Misa at donasyon mula sa mga sakramento ay nauukol unang-una para sa mga pangangailangang buhay espiritwal ng komunidad at iba pang mahahalagang pangangailangan nito.

Art. 84 Sa mga panahong kulang ang pondo para sa isang gawain ng komunidad, ang pamunuan ay maaaring:
a. humingi ng donasyon o tulong mula sa mga miyembro o sa mga kasaping samahan na mayroong mas malawak na kakayahang pinansyal, tulad ng Sports, Cooperative, EuroBoys, Youth, atbp.
b. magkaroon ng isang ‘fund raising activity’ (raffle, concert, atbp.), o maglabas ng mga ‘solicitation letters’ na naaayon sa patakaran ng komunidad at parokya.

Art. 85 Ang lahat ng transaksyong pinansyal ng komunidad ay nararapat na bigyan ng mga angkop na patibay ng mga gumamit o gumasta nito (resibo, acknowledgement receipt, atbp.).

Art. 86 Ang bawat gawain at proyekto na pinagkakitaan o pinagkagastusan ng pondo ng komunidad ay dapat na maisulit ng ingat-yaman sa pamunuan at sa komunidad sa lalong madaling panahon (mainam kung sa loob ng isang buwan), patungkol sa mga nagastos at kinita ng proyekto.

Art. 87 Layunin din ng komunidad na sa pamamagitan ng kanyang mga pondo ay makapag-abot ng tulong sa mga nangangailangan.

Art. 88 Ang Paglikom ng Pondo o paghingi ng donasyon mula sa mga kasapi at sa labas para sa isang gawain ng komisyon o lupon o kasaping samahan ay dapat na ihingi muna ng pahintulot sa pamunuan. Ang perang malilikom sa bawat fund raising ay dapat na isulit agad sa ingat-yaman ng hindi lalampas ng isang buwan matapos ang paglilikom. Dapat naman itong iulat ng ingat-yaman sa pamunuan.

Art. 89 Ang paglalabas ng anumang halaga mula sa pondo ay dapat may pahintulot ng coordinator kasama ng ingat-yaman o auditor.

Art. 90 Ang pangkaraniwang pangangailangan ng komunidad na hindi hihigit sa 100 Euro ay maaaring pagpasyahan kahit ng coordinator kasama ng ingat-yaman o auditor. Samantala, ang mga panganga-ilangang higit sa 100 Euro ay dapat na sang-ayunan ng pamunuan.
Art. 91 Sa panahong ang komunidad ay mawala o maitigil na, ang mga ari-arian at pondo nito ay hahatiin ayon sa kanyang layunin at sa nakasaad dito:
§1 Ang lahat ng materyal na kagamitan nito ay ibibigay sa Sentro Pilipino sa pangangalaga ng kasalukuyang Chaplain para sa mga Filipino.
§2 Ang anumang pondo naman ay mapupunta bilang donasyon para sa napiling Charitable Works.

X. Ang Planong Pastoral

Art.92 Ang Planong Pastoral ay isang talaan ng mga programa at gawain ng buong komunidad sa loob ng isang taon. Laman nito ang buwanang gawain ng bawat lupon upang hindi magkaroon ng pagdodoble o ‘conflict’ sa mga layunin. Ito ay paplanuhin at pagsasang-ayunan ng pamunuan, sa gabay ng spiritual adviser. Ito ay kanilang gagawin taon-taon.

Art. 93 Mga hakbang:
§1 Pagbabalik Tanaw – Ito ay isang pag-aaral sa mga pangyayari at kinahinatnan ng nakaraang Planong Pastoral; mga nagawang mabuti at naging pagkukulang ng pamunuan, mga naging kalakasan at kahinaan, mga bagong kondisyon ng komunidad.
§2 Pagbubuo ng Planong Pastoral – Mula sa mga nalaman sa pagbabalik tanaw ay bubuo ang pamunuan ng mga programa upang matugunan ang mga pangangailangan ng komunidad sa pamamagitan ng pagtatala at pagpapatupad ng mga programang tutugon dito.
§3 Pagpapahayag ng Planong Pastoral - Dapat na matapos ang Planong Pastoral sa buwan ng Enero at maipahayag sa komunidad sa unang Linggo ng Pebrero. Lahat na kasapi ng komunidad ay dapat na maki-ayon at makiisa sa pagpapatupad ng Planong Pastoral.

Art. 94 Ang mga partikular na gawain at programa ng bawat komisyon ay dapat na naaayon sa Planong Pastoral ng taon at hindi sasalungat dito.

Art. 95 Sa mga pagkakataong may mga programa o gawain na wala sa Planong Pastoral ng taon, ang pamunuan ay dapat na magpulong muna bago ito ipatupad.


XI. Ang Paggamit Ng Oratorio

Art. 96 Mga gabay sa paggamit ng oratorio:
1. Panatilihin ang kaayusan at kalinisan. Pananagutan ng mga gagamit na panatilihin ang kalinisan ng mga toilet at ng buong oratorio.
2. Ang mga gamit ng komunidad (at kung may mga nasira) ay pananagutan ng humingi ng pahintulot.
3. Tungkulin ng pamunuan na subaybayan ang bawat pagdiriwang na gaganapin sa oratorio.
4. Mahigpit na ipinaaalala ang pagkakaroon ng moderasyon patungkol sa mga nakalalasing na inumin para sa pananatili ng kapayapaan at kaayusan ng pagdiriwang.
5. Ang oratorio ay maaaring gamitin mula ika-12:00 ng tanghali hanggang ika-7:30 ng gabi.
6. Hinihikayat ang pagbibigay ng kaukulang donasyon sa parokya para sa konsumo ng koryente at paggamit ng lugar at para sa nasirang gamit kung mayroon man.
7. Ang naging mapag-pabaya ay hindi na muling pahihintulutang gumamit.


XII. Ang Pagsusog Sa Alituntuning Gabay

Art. 97 Ang mga alituntuning nakasaad dito ay pinagbuhusan ng pagod, talino at oras, sa panahong kinakailangan at makakabuting ito ay susugan at iangkop sa pangangailangan ng komunidad, ang regular na panahon para ito’y gawin ay tuwing matapos manumpa ang mga bagong halal na pamunuan.

Art. 98 Ang pamunuan sa gabay ng spiritual adviser ang bubuo sa Amending Committee. Sila rin ang titimbang sa pagkakaroon o kawalan ng tunay na pangangailangan ng isang pagsususog sa batas.
Art. 99 Upang magkaroon ng bisa at maging opisyal na akda ang ginawang pagsusog sa Alituntuning Gabay, kinakailangan ang ‘simple majority’ na boto sa pangkalahatang pagpupulong ng komunidad.


XIII. Ang Pagtatakda Ng Bisa

Art. 100 Matapos ang tinakdang panahon at maidagdag sa Alituntuning Gabay, ang mga desisyon at gawa ng Amending Committee pagkatapos pagtibayin sa pangkalahatang pagpupulong ay siya nang iiral at tutupdin ng buong komunidad.








MGA DAGDAG DAHON

Dagdag Dahon 1
Ang Kasaysayan ng Komunidad

Disyembre 3, 1989 - nagkaroon ng unang misang Pilipino sa kapilya ni San Antonio de Padova sa Basilca ni San Pedro at San Paolo sa EUR, Roma at tinawag ang grupo na The Apostles Filipino Catholic Community (AFCC)
Abril 25, 1990 - Nanumpa ang mga napiling unang pinuno ng komunidad.
Hunyo 1991 - Nagpaunlak si Cardinal Vidal na makapagmisa sa komunidad.
Agosto 4, 1991 – Naganap ang unang pormal na botohan.
Nobyembre 17, 1991 - Pagkaraan ng dalawang taon, ang komunidad ay nabigyan ng pahintulot na palagiang makapagdaos ng Banal Misa sa loob ng basilika.
Mayo 28, 1994 - Ginanap ang unang summer basketball league at volleyball.
Mayo 1995 - Nagkaroon ng Flores de Mayo, Feast for Mother Mary.
Agosto 1995 - Nabuo ang EuroBoys Group.
Disyembre 1995- Kinilala ng The Apostles Filipino Catholic Community (AFCC) ang EURO Boys bilang kasapi ng Komunidad.
Nobyembre 19, 2006 –Huling misa ng The Apostles Filipino Catholic Community (AFCC) sa Parokya ni San Pedro at Pablo.
Nobyembre 26, 2006 – Ang The Apostles Filipino Catholic Community (AFCC) ay nakipagmisa sa Santa Pudenziana - Sentro Pilipino hanggang sa nakatagpo ng bagong simbahan.
Marso 18, 2007 - Ang pormal na paglipat ng komunidad sa Parokya ni San Damaso (Largo San Vicenzo de Paoli, Monteverde).





Dagdag Dahon 2
Maikling Kasaysayan ng EuroBoys

Taong 1995 buwan ng Agosto ang mga kalalakihan na tumitigil sa Parco Fermi ay bumuo ng pangalan ng samahan na Euro Boys. Upang mapangalagaan ang samahan humirang sila ng mga opisyales na pinamumunuan ni Tom Ilao. Naging kasunduan din na isama ang samahan sa komunidad ng AFCC. Disyembre 1995 noong kinilala ang samahan ngunit nanatiling autonomo. Lumipas ang tatlong taon napatigil ang aktibidad ng samahan ngunit may ilang nagsikap na muling maibalik.

Mga Layunin
• Magkaroon ng direktang komunikasyon sa mga kalalakihan
• Maging iisang damdamin patungo sa kaunlaran at kabutihan upang magkarooon ng mabuting pag-uugnayan
• Magkaroon ng pormal na partisipasyon sa mga gawain ng komunidad




Dagdag Dahon 3
Maikling Kasaysayan ng AFCC Youth Club

Nabuo ang samahan ng mga kabataan sa suhestyon ni Fr. Mariel Santos isang Fransiskano. Ito’y pinamunuan ni Ms. Ivy Napa. Nagkaroon ng isang pagdiriwang bilang inagurasyon at pagkilala sa bagong samahan ng mga kabataang. Ang samahan ay naglalayong mapalalim at magpahalaga sa pamumuhay Espiritual; magkaroon ng magandang pakikitungo at pagrespeto sa kapwa; hubugin ang mga kabataan sa aspetong intellectual, espiritual at etc., at upang mailayo sa kapahamakan at masamang gawain ang mga kabataan.



Dagdag Dahon 4
Mga Naging Opisyal ng Komunidad

1989-2005

Isabel Magsino Nick Calbay
Belen Matira Yolly Abarintos
Ellie Robles Pye Santos
Naneth Adem Lerma Cuerdo
Boyeth Cerdena Regie Matira
Amy Ilao Josie Napa
Susan Magmanlac Gina Canete
Elsa Ilao Fanny Garcia
Beth Magmanlac Tom Ilao
Lerma Cuerdo Ivy Napa
Queencel Macatangay Edith Santos
Lanie Calderon Tani Olbes
Vic Garcia


2005-2008
Pye Santos Susan Magmanlac
Fanny Garcia Naneth Adem
Barbara Peña Reggie Matira
Cely Atienza Pilar Matira
Ellie Robles Sarah Magmanlac
Sharon Ilao Mayeth Ilao
Elsa Ilao Amie Ilao
Beth Magmanlac Josie Mauro
Yolly Abarintos Minner Matira
Vic Garcia Topher Mauro
Tom Ilao Mike Mauro
Welma Cuerdo Monette Napa



Mga Naging Taga-Pag-ugnay ng Komunidad

Nick Calbay 04-02-1990 ---04-04-1991
Isabel Magsino 11-04-1991----30-11-2002
Pye Santos 01-12-2002 at kasalukuyan

Dagdag Dahon 5
Mga Naging Kaparian ng Komunidad

Fr. Paul Dagangon Dec.3, 1989
Fr. Floro Bautista June 1,1990
Fr. Ignacio Reyes Aug.1, 1991
Rev. Msgr. Jesse Mercado June 1,1994
Fr. Philip Ibasco April 1,1997
Rev. Msgr. Roperto Santos June 28, 1997
Fr. Patrick Casino
Fr. Joel Jason
Fr. John Ailston Azarcon June 1,2001
Fr. Romy Lopez July 1,2002
Fr. Wilmer Rosario Oct.1, 2003
Fr. Rene Pangilinan 1999
Fr. Albert Poblete Dec. 2002
Fr. July Gaddi 2001
Fr. Mike Kalaw Nov. 2003
Fr. Benny Calsado Sept. 19, 2004
Fr. Ronald Ruanto Oct. 17, 2004
Fr. Jimel Varela Jan. 2005
Fr. Alfonsus Panaligan Feb. 2006
Fr. Irineo Tactac III Sept. 2, 2007
Fr. Robert Luanzon Jr. Dec. 16, 2007
Fr. Cristino Pine July 27, 2008





Amending Commitee 2008

Yolly Abarintos Susan Magmanlac
Naneth Adem Pye Santos
Sarah Magmanlac Monette Napa
Fanie Garcia Vic Garcia
Elly Robles Topher Mauro
Amie Ilao Bro. Jonathan Maagma
Fr. Irineo Tactac III

No comments:

Post a Comment