Ticker

8/recent/ticker-posts

Hindi Nalilimutan ang Diyos

HINDI NALILIMUTAN ANG DIYOS

Homily delivered by Msgr. Jose Clemente Ignacio, Rector of the Shrine of the Black Nazarene (Quiapo Church) during the mass of thanksgiving with Manny Pacquiao on May 14, 2011.


Kagalang galang na Gobernador ng Ilocos Sur, Gov. Luis Chavit Singson, Kagalang galang na Kinatawan ng Mindoro Oriental; Congressman Rogelio Umali; ang Dating Kalihim ng DENR at Dating Alkalde ng Maynila at ang kanyang Maybahay, Lito at Beng Atienza; Kagalang galang na Punong Kalihim ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines, Reberendo Monsignor Juanito Figura, at ang Katuwang Niyang Kalihim, Reberendo Msgr. Joselito Asis; mga Kaparian sa Altar, Kapatid kay Kristo, mga tagatangkilik at Kaibigan ng ating Pambansang Kamao, at higit sa lahat, ang Kagalanggalang na Kinatawan ng Saranggani, Congressman Manny Pacquiao at ang Kanyang Maybahay, Gng. Jinky Pacquiao,

Magandang Umaga po at Congratulations, Congressman!

Congressman, mangayo ako ug permiso nga Manny ang akong itawag sa imo samtang ako maghomilya para mas personal kun okey sa imo? (Daghang Salamat Congressman)

Mga kapatid,

Naririto tayo muli upang makiisa sa pagpapasalamat ng ating kapatid na si Manny. Hindi siya nakakalimot sa Diyos! Huwag rin tayong makalimot sa Diyos! 

Sabi ng reporter nung lumuhod si Manny at nagdasal sa kanyang sulok matapos ang labanan kay Shane Mosley, si Manny raw ay may malalim na espiritualidad at hindi niya ito ipinangingiming ipakita o ipahayag. Nang mapanood ko ang laban nlna Manny at Shane, ilang beses kong nakita si Manny suot ang gloves at nagkrukrus. Isa itong tanda na ang Diyos ay kasama, ang Diyos ay hindi nalilimutan.

Ito ang delikado sa mundo natin ngayon - ang kahiligang kalimutan na natin ang Diyos. Napakalakas ang mga pang-aakit ng mundo sa atin. Ang Diyos, sadyang nagkakaloob sa atin ng Kanyang mga biyaya. Sino nga ba ang makakaisip nuong sinaunang panahon na makalilipad ang tao, maaabot niya ang buwan at iba pang mga planeta, makakausap niya ang kapwa kahit nasa malayo silang isla, karagatan o kabundukan. Napakaraming kaloob ang Diyos sa tao! Bakit, sapagkat mahal ng Diyos ang tao. Ito ang mensahe ng Ebabanghelyong ating kababasa lamang! Binabahaginan ng Diyos ang tao ng kapangyarihang makapaglikha ito at maging ka-Manlilikha Niya. Kaya makikita natin, ang maraming imbensyon, teknolohiya, makenarya at iba't iba pang iprastraktura na bagamat gawa ng tao ay nagmula sa mga kaloob ng Diyos sa atin. Pati na ang kayamanan, kapangyarihan at karangalang tinatanggap ng mga indibiduwal o mga bansa, kaloob ito ng Diyos at may pakay at layunin ang Diyos para rito. Pakay para sa ikabubuti ng Kanyang mga anak na hindi niya nalilimutan. Ngunit marami ang nasisilaw sa mga biyayang kanilang tinanggap naiimpluwensyahan ng kapangyarihan ng mundong nais lumimot sa Diyos.

Alam kong alam mo Manny ang mundong ito na mapaglinlang. Alam kong ang mundong ito ay nais bulagin ka sa pagkalimot sa ating Mahal na Poon. Nuong bata kang buksingero, nakilala mo ang sarap ng mapang-akit na mundong ito hanggang sa pamamagitan ng isang sulat ng iyong ina, nakita mo ang karupukan ng mundong itong nais burahin sa iyong isipan ang Dios. Ngunit mahal ka ng ating Mahal na Poong Nazareno. Hindi niya pinabayaang magtagumpay ang mundong ito sa iyong buhay. Kaya ngayon, nakikita na namin ang patuloy mong pag-alaala sa ating Panginoon at hindi mo siya kinakalimutan. At isa pang malaking karangalan ang itinanim niya sa iyong kalooban, ang lumaban para ipagwagi ang mga halaga ng Maykapal.

Nuong nag-usap tayo nuon nabendisyonan ang pinagawa mong MP Towers para sa mga batang buksingero, nabanggit mong nais mong tumakbo sa Kongreso. At ang iyong dahilan ay dahil sa pagmamamhal mo sa iyong mga kababayan. Ang nasabi ko sa iyo nuon, Manny, sige, tumakbo ka sapagkat kailangang kailangan na natin ng mga mambabatas na nagpapahalaga sa Diyos, nagpapahalaga sa kanilang mga kababayan, mga mambabatas na hindi corrupt at sarili lamang ang iniisip. Malakas ang tiwala kong hindi mo kakalimutan ang Diyos at mayroon kang misyon sa buhay na ito na kailangan mong gampanan. Naramdaman kong may pinanggagalingan ang iyong puso na higit pa sa iyo at nagtitiwala akong hindi ka magpapadaig sa mga pang-aakit ng mundong ito. At nang marinig kong mayroon kang inihahandang mga programa sa mga kababayan mong naghihirap sa Sarangani, napatunayan ngang kumikilos sa iyo ang kapangyarihang higit pa sa iyo.

Babalik na po kayo sa Congresso. Matindi ang labanan diyan. Mabibigat ang mga ginagawang pagpapasya riyan na mayroong malaking epekto sa Bayan. Nuong ako'y batang pari sa isang maliit na parokya, marami akong mga parokyanong naghihirap at walang trabaho.Pinagsumikapan naming gumawa ng mga proyekto upang matulungan sila, ngunit sadyang maliit lang ang aming kakayahan. Bagamat ganoon, nagpagod kami, naghirap, nagbuhos ng aming lakas upang mapaasenso man lamang kahit kakaunti, ang aming naghihirap na mga kapatid. Ngunit sa paglipas ng panahon, dala ko ang sakit ng kalooban na kahit mayroon kaming ginagawa, marami pa ring hirap at hindi namin matulungan. 

Dumating ang panahon, ako'y nailagay ng namayapang Cardinal Jaime Sin sa Labor Center ng Simbahan, upang alagaan ang mga pangangailangan ng mga manggagawa sa ating lipunan at tulungan rin siya sa kanyang opisina. Dito, sa mga assignments na ito, ako namulat na ang kahirapan pala sa ating bayan ay maaaring magbuhat sa mga maling pagpapasiya at makasariling pananaw ng mga pinagkatiwalaang mamuno sa ating gobyerno. Dito ko rin nakita na sa mga nasa posisyon, sa mga nasa kapangyarihan, at sa mga may kayamanan, maaari nilang gamitin ang media upang itago ang mali nila at siraan ang mga bumabatikos sa kanila. Dito ko rin nakita na mayroong impluwensya ang mga makapangyarihang bansa upang panatilihin ang kanilang interest sa ating lupain.

Congressman, naririyan na kayo sa boxing ring ng mga namumuno sa ating bayan. Ipagdarasal namin kayo. Maraming pagpapasya ang gagawin ninyo, at maraming panlilinlang ang mundo upang takpan ang katotohanan na mali ang ilang pinagpapasyahan at hinaharap sa inyo. Sa totoo lang, merong mga Bill ngayon na sanhi ng pag-aalala ng mga pastol ng ating simbahan, mga Bill na parang kending may matamis na balot sa labas ngunit sa loob ay lason pala. Kawawa ang mga pamilya, mga bata, mga kabataan, at higit sa lahat, ang mga mahihirap. Alam na ninyo ang problema ngayon ng RH BILL at RP BILL, ang mga panukala para abusuhin pa ang mga natural nating mga yaman, ang mga panukala para palawakin ang GAMBLING sa ating BAYAN. Congressman Manny, umaasa kami na pati sa Congresso, ipaalaala mong huwag nilang kalimutan ang Diyos at ang mga halaga ng Langit. Manindigan kayo sana sa mga halaga ng Diyos sa lahat ng mga batas na inyong pagpapasyahan! Umaasa akong ang pagmamahal niyo unang una sa Diyos at sa inyong mga kababayan, lalo na sa mga mahihirap, ang gagabay sa inyong pagpapasya.

Congressman congratulations muli! Hindi ko sasabihing malayo na ang narating ninyo sapagkat alam kong nananatili ka pa rin kaisa ng sambayanan at hindi ka lumalayo. Pero nais kong sabihin, malayo na ang narating ng pagmamahal ng Dyios sa iyo. Kaya nga dala ninyo ang isang misyon, tulad ni San Matias, naway maipahayag mo ang aral at turo ng ating Pong Nazareno sa mga laban mo pang darating lalong lalo na sa Laban ng Buhay! Salamat po at pagpalain ka ng Mahal na Poong Nazareno!

Post a Comment

0 Comments