Saturday, January 29, 2011

NO OTHER LOVE: Ang Love Story ni Tomas at Mercedita

NO OTHER LOVE: Ang Love Story ni Tomas at Mercedita
Isinulat ni Fr. Louie Coronel, OP
January 30, 2011


Sa panahon ng Lumang Tipan, ang kasal ay isa lamang sagradong kasunduan: mamahalin Kita, mamahalin mo ako, magmamahalan tayo.

Subalit ng dumating ang Panginoong Hesukristo, ang kasal ay hindi lamang basta naging isang sagradong kasunduan kundi isang sakramento: mamahalin Kita, mamahalin mo ako, mamahalin natin ang Diyos sapagkat mahal na mahal tayo ng Diyos.

Ngayon, hindi lamang dalawang tao ang involved, kasama pati ang Diyos. Kaya kapag nawalan na nang pagmamahal ang isang tao ang kanyang asawa at maghanap na nang iba, hindi lamang sa hindi siya nakatupad sa kasunduan, siya din ay nagkakasala. Pinabanal ng sakramento ng matrimonyo ang samahan ng mga nag-iibigan. Binibigyan ng biyaya ang mag-asawa na harapin ang mga pagsubok ng buhay sa paglipas ng panahon.

Pagliligawan

Ang love story nina Tomas at Mercedita ay subok na ng panahon. Sa darating na 2012 ay ipagdiriwang na nila ang kanilang ginintuang anibersayo ng kasal. Limampung taon ng biyaya ng Diyos at ang lahat ng ito ay nagsimula sa isang ‘palara’. Opo, sa isang palara na makukuha sa kaha ng sigarilyo.

Tubong Mabini, Batangas sina Tomas at Mercedita. Tinamaan ng pana ni kupido ang matipunong si Tomas Magmanlac na noon ay 17 taon pa lamang. Nabighani siya sa ganda ni Mercedita Andal na noo’y neneng-nene pa sa edad na 14 na taon. Pawang may mga gatas pa sila sa labi noong ang kanilang mga puso’y nagkatagpo. Sa salita ng kanilang mga anak ngayon, pabiro nilang sinabi na ang kanilang mga magulang ay kay agang umalembong.

Bilang magkababaryo ay magkakilala na sina Tomas at Mercedita. Sa pamamagitan naman ng isang palara ay ipinahatid ni Tomas ang kanyang wagas na pag-ibig kay Mercedita sa isang kakaibang paraan. Nagtaka na lamang si Mercedita sa kung ano itong naka-ipit sa may habihan. Binuksan niya ang makisap na palara na ang nakasulat sa maputing panig ay lalo namang nagpakislap sa kanyang mga mata. “I LOVE YOU”, ang banat ni tatay Tomas na isinulat sa palara. Hindi pa po kasi uso ang stationary at e-mail noon, kaya’t gumamit na lamang siya ng palara. Hindi naman sineryoso ng dalaga si binata kaagad-agad. Marahil ay dahil sa kanyang batam-batang edad.

Nagtagumpay naman si tatay Tomas na masungkit ang matamis na “oo” ng kanyang iniirog. Madalas silang nagkikita at binibigyan pa nga ni tatay ng bulaklak si nanay. Saan kaya niyang bakuran naman iyon pinitas? Hindi na siguro mahalaga kung saan man; basta’t maipahayag nyang muli sa malikhaing paraan ang kanyang pag-ibig. Mayroon pa nga silang themesong ... ang “No Other Love.”

Pagpapakasal

Mabilis ang mga naging pangyayari at sila’y nagplano nang magpakasal. Walang naging hadlang sa mga magulang ni Mercedita. Gayunpaman, tutol sa umpisa ang ina ni Tomas sapagkat wala pa siya sa tamang edad at ang kanyang mapapangasawa ay napakabata pa...isang musmos pa lamang. Mahaba man ang naging usapin ay sa pag-iisang dibdib pa rin natuloy. Ikinasal sila noong ika-22 ng Enero 1962 sa parokya ni San Francisco de Paola sa Mabini, Batangas. Saksi ang mga malalapit sa kanila, sila’y nagsumpaan ng walang hanggang pag-ibig sa harap ng altar at ng mga tao.

Buhay May-asawa

Epektibo naman ang naging banat sa palara ni tatay. Ibinigay ni nanay ang kayang buhay kay tatay at itinaguyod naman ni tatay ang kanyang pamilya. Sa paglipas ng panahon ay biniyayaan sila ng siyam (9) na anak na sina Juanita, Vicente, Ciriaco, Rosario, Teddy, Romeo, Glenda, Erwin at Apple. Nagkaroon pa sila ng isang dosenang apo! Lahat ng ‘yan ay nagsimula sa palara.

Subalit hindi naging madali ang lahat sa kanilang pagsasama dahil sa hirap ng buhay. Sa kabila ng lahat, sabay nilang itinaguyod ang kanilang pamilya ng may pananalig sa isa’t-isa at sa Diyos.

Patay na nang isilang ang kanilang ikalawang anak na si Vicente. Sa matagal-tagal ding panahong hindi na huminga ang bata ay itinalaga na nila ang kanilang sarili sa pagsubok na ito. Hanggang sa may isang kaibigan na hiningahan sa ilong ang bata. Nabuhay ang bata at isinugod sa ospital. Nang maging maayos na ang lahat at sila’y umuwi na, natagpuan naman nilang patay ang kanilang alagang baboy. Hindi nila matanggal sa isip na namatay ang baboy para sa sanggol. Subalit higit sa lahat, nagkataon man iyon o hindi, alam nilang ang Diyos ang bumuhay sa kanilang namatay na sanggol.

Ang kanilang mga anak na mismo ang nagsabi na tigilan na ang pag-aanak noong sila ay walo na. Subalit humabol pa itong si Apple bilang pang-siyam. Noong kabuwanan ni Mercedita ay pumunta sya sa toilet upang magbawas. Laking gulat nya ng siya ay mapaanak nang di oras sa toilet! Sa awa ng Diyos ay hindi naman napano ang bata. Ang ina ni Mercedita na isang kumadrona ang umalalay sa kanyang panganganak.

Marami pang pagsubok ang kanilang pinagdaanan dahil sa hirap ng buhay. Pareho pa silang nagkasakit. Parehong naoperahan. Subalit patuloy pa rin sila sa kanilang buhay ng may pananampalataya sa Diyos.

Pakikipagsapalaran sa ibang Bansa

Hindi sila tumigil sa pagpupursigi sa buhay kaya’t noong taong 1986 ay nakipagsapalaran si nanay Mercedita sa Roma. Masakit man sa kalooban ay iniwan niya ang kanyang 9 na anak at asawa sa Batangas. Naglingkod siya bilang isang live-in OFW sa isang mabuting amo. Naging malapit siya sa kaniyang amo na tinanggap siya ng makatao.

Layunin niyang dalhin sa Roma ang kanyang pamilya. Isa-isa ay natutupad ang kanilang pangarap. Dumating naman sa panahon na nainip na din si tatay. Dahil sa kanyang pangungulila kay nanay ay naitatanong niya kung bakit ba hindi pa siya makaalis o kung bakit ba hindi na lamang siya bumalik. Nagselos din ng bahagya si tatay sa employer ni nanay kasi baka daw nade-develop na si nanay sa kanyang amo. Pinakahuling kinuha ni nanay si tatay kaya noong taong 2001, ang pangarap nilang mabuo muli ang kanilang pamilya ay natupad. At hindi lamang po iyon...napatunayan din ni tatay na mahal siya ni nanay and that there’s “no other love”, other than him.

Sikreto ng 50 taon

Ang kanilang pagsasamahan ay nag-ugat sa isang tapat na pag-ibig. Nang akin silang tanungin kung sa loob ba ng halos 50 taong iyon ay may pagkakataon bang naging unfaithul sila; walang pag-iisip nilang sinabing...wala silang minahal kundi ang isa’t-isa. Sa edad nilang 74 at 67 ngayon, ay patuloy pa rin ang kanilang paglalambingan. Ibinahagi nila na ang pundasyon sa matagumpay na pag-aasawa ay ang pananampalataya sa Diyos at pang-unawa sa kahinaan ng bawat isa. Lahat ng ito’y nakaugat sa pag-ibig. Kung sila man ay may di-pagkakaunawaan, hindi nila ito ipinapakita sa kanilang mga anak at tinatapos agad.

Isang taon na lamang at 50 taon na silang nagsasama bilang mag-asawa. Isang taon ng paghahanda para sa ginintuang jubileo ng pamilya. Hindi lamang po ang kanilang pamilya ang nagdiriwang, ang buong Apostles Filipino Catholic Community (AFCC) sa Roma na kanilang kinabibilangan ay bahagi ng sayang ito. Sama-sama po nating harapin ang mga masasaya pang mga araw na darating.

Noong aking tanungin kung saan nagmana sa husay kumanta ang kanilang mga anak ay walang pag-aalinlangang inako ni nanay na sa kanya nagmana. Di naman pumayag si tatay na hindi sabihing hindi rin nagmana sa kanya. Sa huli’y humingi kami ng sample upang mapatuyan kung kanino ba talaga nagmana ang kanilang mga anak. Subalit higit pa sa talento ang aming namalas at kanilang pinatunayan kundi ang kanilang wagas na pagmamahalan.

No comments:

Post a Comment